Naging pangkalahatang maayos ang unang dalawang taong pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging pagtaya ng political analayst na si Professor Ramon Casiple kung saan kanyang binigyan ng grado na siyete ang Pangulo.
Ayon kay Casiple, bagama’t maraming kontrobersiyang kinaharap ang Pangulo, ilan pa rin sa mga inilatag nitong programa noong panahon ng kampanya ay nasimulan na habang may ilan namang natupad na nito.
Isa aniya rito ay ang anti-drug campaign ng Pangulo na nagresulta sa pagbaba ng crime rate at inaasahang pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL ngayong buwan.
Dagdag pa ni Casiple, napanatili din sa panahon ni Pangulong Duterte ang paglago sa ekonomiya ng bansa at bagama’t nagkaroon ng problema sa inflation rate pa rin aniya ito gaano kataas.
Bukod pa rito, sinabi ni Casiple na nananatili ring mataas ang nakukuhang suporta ng Pangulo.
“Ang benchmark ko kapag lumapit ‘yan sa anywhere near 39 ‘yung okay sa kanya ibig sabihin naubos na ang goodwill ng mga mamamayan natin na hindi bumoto sa kanya, ang suporta sa kanya ay mataas, ang pagbaba normal ‘yun, ang mataas na suporta na ‘yan despite all the criticisms, all the issues na ni-raise laban sa kanya ay patunay na mukhang may ginagawa siya.” Ani Casiple
Gayunman, pinuna ni Casiple ang kawalan ng pangmatagalang strategic direction ni Pangulong Duterte sa paraan ng kanyang pamumuno.
“Wala siyang defined na strategic direction at strategy mismo diyan, kumbaga you’re living from day to day dito eh, may mga sinabi siyang basic principle pero how do you apply that eh hindi mo makuha agad-agad, ibig sabihin ikaw ang mag-iinterpret eh, hindi siya ang magsasabi. I think part ‘yan ng tactics niya para hindi siya mabasa, but then kung ika’y pinuno at tumitingin sayo ang tao kung anong gusto mong manyari, dapat ilinaw mo ‘yan, hindi lang short term kundi long term.” Pahayag ni Casiple
(Balitang Todong Lakas Interview)