Nasa isandaan at apatnapung (140) bus ang ipinakalat ng Department of Transportation (DOTr) para masakyan ng mga pasaherong maaapektuhan ng holy week shutdown ng MRT-3 na nagsimula ngayong araw.
Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan maaaring sakyan ang mga bus mula alas-5:00 ng mdaling araw hanggang alas-9:00 ng gabi kung saan ang drop off at pick up points ay mula North Avenue hanggang Taft Avenue.
Sa inisyal na assessment, sinabi ni Batan na naging epektibo ang kanilang information dissemination dahil marami sa mga pasahero ng MRT ang hindi na nagtungo pa sa mga istasyon nito at naghanap na ng alternatibong mga masasakyan.
“Nagpapasalamat kami sa tulong ng mga kasama natin sa media dahil mahalaga talaga na maipaabot natin sa ating mga rider na itong Holy Monday, Tuesday and Wednesday ay shutdown tayo sa MRT-3 para makahanap ng ibang plano ang commuters sa pagko-commute ngayong umaga, while sinusubukan natin ang lahat kasama ang road sector ng DOTr, ang LTFRB, LTO, MMDA at HPG tayo ay nagde-deploy ng augmentation buses natin.” Ani Batan
Sa huli, muli namang humingi ng pang-unawa si Batan sa lahat ng mga pasaherong naapektuhan ng MRT.
“Kinikilala po namin na may inconvenience na maidudulot po itong shutdown ngayong Holy Week ngunit ang mensahe natin sa ating mga mananakay ay kailangan po talaga nating gawin ito upang mapabilis ang ating pagsasaayos ng MRT-3. Itong Holy Week ang pinaka-mainam na panahon upang magkaroon tayo ng 1-linggo at dire-diretsong panahon upang makumpuni at maisaayos ang MRT-3.” Dagdag ni Batan
Tiniyak naman ni MRT Director for Operations Mike Capati na mas maayos na serbisyo ng MRT-3 ang aasahan ng mga pasahero sa pagbabalik ng kanilang operasyon pagtapos ng Semana Santa.
“Matapos ang Holy Week maintenance natin, one thing that we can assure is maayos natin ang triles natin, ‘yung mga tren din natin ay mame-maintain natin for the next 1 week, so ang epekto niyan gaganda ang takbo ng trains natin, mas marami ang train availability at the same time easy ang paghihintay ng mga mananakay natin.” Pahayag ni Capati
(Ratsada Balita)