Mistulang piyesta ang unang araw ng campaign period ng mga senatorial at partylist candidate para sa 2019 midterm elections.
Sinimulan ng regional political party ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na Hugpong ng Pagbabago ang kanilang kampanya sa San Fernando, Pampanga na balwarte ni House Speaker at dating pangulong Gloria Arroyo.
Labin-tatlong (13) kandidato ang inendorso ng Hugpong na sina re-electionist senators Koko Pimentel, Cynthia Villar, JV Ejercito, Sonny Angara, dating senador Jinggoy Estrada, Pia Cayetano; Bong Revilla Jr., Ilocos Norte Governor Imee Marcos, dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis “Tol” Tolentino, dating PNP Chief Ronald Dela Rosa, Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu at dating journalist na si Jiggy Manicad.
Nagbahay-bahay naman sa Caloocan City ang “Otso Diretso” ng oposisyon sa unang araw ng kanilang kampanya kasama sina Vice President Leni Robredo at dating pangulong Noynoy Aquino.
Gayunman, pito lamang ang sumabak sa kampanya na sina re-electionist senator Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, Human Rights Lawyer Chel Diokno, dating Deputy Speaker Erin Tañada, dating Solicitor-General Florin Hilbay, dating Bangsamoro Transition Commission member Samira Gutoc at election lawyer Romulo Macalintal na dumalo pa sa isang media briefing malapit sa San Roque Cathedral habang sa Roxas City, Capiz nagsagawa ng sariling campaign activity si dating interior secretary Mar Roxas.
‘Kontra-Daya’
Samantala, nagpaalala ang election watchdog na Kontra Daya sa lahat ng mga kandidato ngayong nagsimula na ang campaign period.
Ayon sa grupo, dapat tiyakin ng mga kandidato na walang pondo o resources ng gobyerno ang magagamit para sa kani-kanilang pangangampanya.
Kinuwestiyon din ng grupo ang tila pangangampaniya mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kandidatong kaniyang ini-endorso nito.
Magugunita aniyang ipinaalala pa ng Pangulo sa mga miyembro ng kaniyang gabinete na huwag ikampaniya ang sinumang kandidato.
Hindi rin pinalampas ng kontra daya ang mga poster at campaign materials ng mga kandidato na nakapaskil pa rin sa kani-kanilang tanggapan.
Giit ng grupo, batay sa Section 7 ng Comelec Resolution No. 10488, bawal ang pagpapaskil at paglalagay ng campaign o propaganda materials sa mga pampublikong lugar kabilang na ang mga paarala,n, barangay hall at mga tanggapan ng gobyerno.—Jennelyn Valencia
—-