Naging maayos at mapayapa ang simula ng campaign period para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon ngayong araw.
Iyan ang pagtaya ng Philippine National Police (PNP) bagama’t may mga ilang insidente ng mga pasaway na kandidato ang patuloy pa rin sa kanilang paglabag sa itinatakda ng COMELEC.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac, kahit pa may mga namomonitor silang ilang insidente, hindi naman aniya iyon nakaaapekto sa usapin ng seguridad.
Katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), masasabi pa rin aniyang maganda ang takbo ng pangangampaniya ng mga kandidato kahit ang ilan ay mamaya pang magtatakip silim pa maglalarga ng kanilang proclamation rally.
Pagtitiyak ni Banac, sapat ang kanilang mga tauhan gayundin ng AFP para tumugon at rumesponde kung kinakailangan para matiyak na magiging maayos ang pagsisimula ng kampaniya hanggang sa mismong araw ng halalan sa Mayo 13.
Samantala, aminado naman ang militar na malaking hamon sa kanila ang mga private armed groups sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan lalo na sa mga lugar na inilagay sa red category hotspot ng COMELEC.
Ayon kay Western Mindanao Command (WESTMINCOM) Spokesman Col. Gerry Besana, malaking tulong aniya ang pakikipag-tulungan ng publiko para maging maayos at mapayapa ang buong panahon ng pangangampaniya.