Halos isandaang (100) mga bahay sa Quezon City ang napuntahan ng mga awtoridad sa unang araw nang pagbabalik ng Oplan Tokhang.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar kung saan apat napu’t pito (47) dito ang tumugon sa pakiusap at sumuko at nagtungo sa barangay para sa kaukulang proseso.
Muling tiniyak ni Eleazar na ang kakatukin lamang ng mga awtoridad ay bahay kung saan nakatira ang kumpirmadong sangkot sa paggamit ng iligal na droga.
“Ang ating kakatukin lamang ay mga bahay na kung saan may nakatira doon na may impormasyon tayong validated na involved pa rin sila sa paggamit ng droga, so yun ang mga pupuntahan at kakatukin natin kasama ang barangay at mga representative from religious sector.” Pahayag ni Eleazar
Kahapon ay naging mapayapa ang muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang matapos na muling isama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP sa kampanya kontra droga ng administrasyon.
‘Limited implementation’
Samantala, tila magkakaroon ng sariling holiday ang mga drug pushers sa limitadong implementasyon ng Oplan Tokhang.
Binigyang diin ito ni Senador Panfilo Lacson matapos ikasa ng PNP ang pagsasagawa muli ng Oplan Tokhang tuwing Lunes hanggang Biyernes at sa daytime o araw lamang.
Ayon kay Lacson, hindi niya maintindihan kung bakit may weekend holiday pa dapat ang drug pushers gayung dapat ay sinusunod ang umiiral na batas hinggil sa pag-aresto lalo na ang mga warrantless arrest.
Dapat aniyang tuloy-tuloy ang law enforcement function ng PNP kaya’t hindi makatuwirang gawin lamang ang Oplan Tokhang tuwing alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at Lunes hanggang Biyernes.
(Ulat ni Cely Bueno)