Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang mangyayaring arestuhan sa pagpapatupad ng No Vaccine, No Ride policy ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang inihayag ni PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba matapos nitong sabihing naging mapayapa naman sa kabuuan ang unang araw ng pagpapatupad nito.
Ayon kay Alba, malinaw naman aniya ang layunin ng kanilang presensya sa mga terminal ng pampublikong transportasyon ay para umalalay sa DOTr at attached agencies nito at hindi para mang-aresto ng mga lalabag.
Gayunman, ibang usapan na aniya kung mauuwi sa hindi maganda ang simpleng paninita at pagpapaalaala ng mga awtoridad kapwa sa mga tsuper at pasahero lalo na kung may magmamatigas lumabag sa polisiya.
Muling umapela ang PNP sa publiko na sundin ang pinaiiral na panuntunan na ilabas ang vaccination cards o anumang katibayan na maaaring lumabas ng bahay upang maiwasan ang abala.