Naging mapayapa ang pagsisimula ng kampanya para sa lokal na posisyon na nagsimula kahapon, Marso 25.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), wala silang naitalang gulo o hindi magandang insidente sa kada lokal na pamahalaan sa bansa.
Batay ito sa ipinasang ulat ng local police commanders na pinagsama-sama sa Camp Crame.
Anila, umaasa silang magpapapatuloy ang mapayapang kampanya hanggang sa huling araw nito sa Mayo 7 o dalawang araw bago ang mismong araw ng halalan.
Sa kabila nito, tiniyak ng PNP na patuloy nilang imo-monitor ang ilang bayan at lalawigan sa bansa lalo na ang mga lugar na kinilala bilang election hot spots.