Naging maayos at mapayapa ang pagsisimula ng tradisyunal na Simbang Gabi.
Ito’y ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Debold Sinas, sa gitna ng mga balitang natatanggap niya sa mga tauhan ng PNP habang siya’y nasa PNP Command Center.
Ani Sinas, naging epektibo ang pagtutulungan ng mga opisyal ng simbahan at ng mga local government units (LGUs) hinggil sa pagpapatupad ng mga health protocols kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kung kaya’t ani Sinas, umaasa siyang magpapatuloy ang maayos na takbo ng Simbang Gabi sa mga susunod na araw, gaya ng kaayusan nitong unang araw.
Siniguro naman ng liderato ng pnp na magpapatuloy ang kanilang police visibility para magpatrolya sa mga simbahan sa bansa, at tiyaking naipatutupad ng maayos ang mga alituntuning inilatag ng pamahalaan.
Samantala, inatasan din ni Sinas ang mga unit commanders nito na patuloy na maging mapagmatyag ngayong holiday season.