Itinuturing na tagumpay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdaraos ng unang araw ng Misa de Gallo o ang tradisyunal na Simbang Gabi.
Ayon kay NCRPO Spokesperson P/LtC. Jenny Tecson, aabot sa humigit kumulang 60 libo ang kanilang crowd estimate sa mahigit 300 simbahan na kanilang binantayan.
Katuwang din aniya ng may 3 libong pulis na ipinakalat sa mga simbahan ang may 11 libong force multipliers na siyang itinalaga para tumulong na magtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng simbang gabi.
Mahigpit namang pinayuhan ng NCRPO ang publiko na sundin pa rin ang ipinatutupad na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at pagpapanatili ng social distancing sa labas ng simbahan.
Pinayuhan din ng NCRPO ang publiko na iwasang iwanan ang mga tahanan ng walang tao o di kaya naman ay patayin ang breaker ng kanilang kuryente at huwag mag-iwan ng mga nakasinding kandila upang maiwasan ang sunog.
Pinaalalahanan din ng Pulisya ang mga magsisidalo sa Misa de Gallo na huwag magdala ng mga mamahaling bagay tulad ng mga alahas at ilabas lamang ang cellphone sa ligtas na lugar maliban kung may mahalagang tawag o mensahe na nais ipadala habang nasa labas. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)