Nagsimula nang dumating ang mga puti at pulang sibuyas na inangkat mula sa China.
Kinumpirma ng Department of Agriculture na mahigit 1,200 metric tons, na bahagi ng nasa 5,000 metric tons na imported onions, ang dinidiskarga apat na araw bago ang emergency shipment deadline sa January 27.
Itinakda ang naturang deadline para sa emergency shipment ng 21,000 metric tons ng sibuyas upang maiwasan umanong magambala ang anihan ng lokal na sibuyas.
Layunin ng importasyon na mapababa ang presyo ng nasabing produkto sa mga pamilihan at mapatatag ang supply.
Ayon kay DA Deputy Spokesman Rex Estoperez, sumasailalim pa sa second border inspection ng Bureau of Plant and Industry ang 48 container ng sibuyas na dumating simula noong Biyernes, Enero 20.
Ang inspeksyon anya ay requirement upang matiyak na walang nahahalong sibuyas sa ibang agricultural product bago ibenta sa merkado.
Inaasahang darating din ngayong linggo ang iba pang batch ng mga inangkat na sibuyas mula China.
Gayunman, limitado lamang ang imported onions sa Ports of Manila, Subic, Cebu, Davao at Cagayan De Oro City.