May unang bugso na ng mga convicts na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang sumuko.
Ito ang kinumpirma ni Justice secretary Menardo Guevarra, ilang oras lamang matapos ang direktiba ni Pangulong Duterte na sumuko na ang mahigit 1,000 preso na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Guevarra, sa isinasagawang pagdinig ng senado kaugnay sa GCTA law, hindi bababa sa sampu (10) ang bilang ng mga preso na sumuko na matapos ang 15-day deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte sa mga aniya’y “premature” na napalaya sa ilalim ng GCTA.
BREAKING: Ayon kay Guevarra, hindi lalagpas sa sampu (10) ang bilang ng mga sumuko nang convicts na napalaya dahil sa GCTA.
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 5, 2019
Nakikipag-ugnayan na rin, ani Guevarra, ang Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration sa pag-iisyu ng immigration lookout bulletin order laban sa mga napalayang convicts.
Look-out bulletin, ipinalabas na rin — DOJ
Nagpalabas na ng look-out bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga bilanggong sangkot sa heinous crimes na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance.
Ipinabatid ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pagdinig ng senado matapos nila aniyang maiforward sa Bureau of Immigration ang nasabing listahan.
Sa panulat ni Judith Estrada-Larino