Hindi inaasahan ng isang 13-anyos na atleta mula sa Camarines Sur na makasusungkit ito ng gintong medalya sa Palarong Pambansa para sa taong ito.
Ayon kay Lheslie De Lima, hindi niya alintana ang init sa Quirino Stadium nang magpasya siyang tumakbo ng nakayapak sa 3,000 meter run secondary girls category.
Kuwento ni Lheslie, nagulat siya nang dumikit sa kaniya ang kalabang si Camila tubIano ng Northern Mindanao na tulad niya’y nakayapak rin na tumakbo sa huling dalawandaang (200) metro ng karera.
Pero dahil sa determinasyon at inspirasyon mula sa kaniyang amang magsasaka, nagawang maipanalo ni Lheslie ang nasabing laro subalit hindi sumagi sa isip niyang ginto na ang kaniyang napanalunan.
Kasunod nito, excited na rin umano si Lheslie para sa kanyang susunod na laban, ang 800-meter dash at ang huli ay 1,500 meter run na itinuturing niyang paborito sa lahat ng laban.
—-