Umarangkada na ang unang araw ng kampanya para sa mga kandidato sa iba’t ibang posisyon sa barangay at SK o Sangguniang Kabataan elections ngayong araw na ito.
Kanya-kanyang gimik, pagpapapogi at paninira sa mga kalaban ang inaasahan ng mga botante na bubungad sa kanila kasabay ng kabi-kabilang mga meeting de avance para sa mga naturang posisyon.
Tatagal ng mahigit isang linggo o walong araw ang campaign period para sa mga barangay at SK na magtatapos sa susunod na araw ng linggo, Mayo 13.
Kasabay nito, nagpaalala naman ang Commission on Elections o COMELEC sa mga kandidato na hindi unli o unlimited ang dapat na nakalaang pondo para sa pangangampanya.
Ayon kay COMELEC Director James Jimenez, limang piso lamang ang inilalaan ng batas na gastusin ng mga kandidato kada isang botante sa barangay elections.
Hinikayat din ang mga kandidato na maging malinis at iwasan ang pagkakalat sa kapaligiran habang nangangampanya.
—-