Kinumpirma ng Ministry of Health ng Singapore ang unang naitalang kaso ng coronavirus sa kanilang bansa.
Isang lalaking Chinese national na nagmula sa Wuhan City ang unang naitalang kaso ng bagong strain ng coronavirus at stable na ang kondisyon nito bagamat nasa isolation room ng Singapore General Hospital.
Ipinabatid ng Ministry of Health na ang nasabing lalaki ay 66 na taong gulang at dumating sa Singapore kasama ang kaniyang pamilya nitong nakalipas na Lunes.
Samantala isang 53 anyos na babaeng Chinese national mula sa Wuhan din ang binabantayan ng Ministry of Health matapos magpositibo sa preliminary test sa novel coronavirus at stable na rin ang kondisyon nito habang hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test dito.
Magugunitang 2002 hanggang 2003 isa ang Singapore sa matiding naapektuhan ng outbreak ng SARS virus kung saan 33 ang nasawi at mahigit 200 ang naapektuhan ng virus.