Nakapagtala na ng kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Ormoc City sa Leyte.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH) Eastern Visayas, isang overseas Filipino worker (OFW) na umuwi sa lungsod ang unang kaso ng COVID-19 na nagmula sa Saudi Arabia.
Dumating ang nasabing OFW sa Tacloban City nuong Mayo 27 sakay ng Flight Z2 8570 at sumailalim pa sa 14 days mandatory quarantine sa Metro Manila.
Pero ayon kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, nagnegatibo sa COVID-19 ang nasabing OFW nang umalis ito ng Maynila at umuwi sa kanilang lungsod kaya’t asymptomatic ito.
Kasunod nito, hindi napigilan ni Gomez na maghayag ng kaniyang pagkadismaya hinggil sa pagpapauwi ng mga OFWs sa mga lalawigan lalo’t kinakailangan lang nito ay tamang ugnayan lalo’t silang lokal na pamahalaan ang sasalo sa problema.