Nakapagtala ng kauna-unahang kaso nang nasawi sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang Taiwan nitong Biyernes matapos ang walong buwan na walang naiiuulat na namatay sa bansa.
Ito ay matapos pumanaw ang isang 80 anyos na matandang babae ayon kay Health Minister Chen Shih-chung.
Batay sa ulat ng Reuters, may sakit na sa bato ang naturang matanda at diabetic rin bago pa man makontamina ng COVID-19.
Sa kabila nito, nananatili pa rin ang Taiwan na isa sa may pinakamababang kaso ng naturang virus na nasa 909 habang walo naman ang kabuuang nasawi.
Matatandaang ang Taiwan ang unang bansang naghigpit ng polisiya upang mapigilan ang paglaganap ng virus sa kanilang bansa.— sa panulat ni Agustina Nolasco