Kapansin-pansin ang pagiging pigil ng mga kandidato sa ginanap na presidential debate.
Ayon kay Political Analyst Professor Prospero de Vera, dapat aniya ay nagkaroon ng follow-up question upang mas naipaliwanag pa ng mga presidentiable ang kanilang stand sa mga isyu.
“Hindi malalim yung mga tanong kaya nakakalusot yung mga pangako nila na malamang ay magiging nakapako pagdating ng tamang panahon.” Ani de Vera.
Inirekomenda ni de Vera na sa susunod ay habaan ang oras ng debate upang mas pakinggan sila ng taongbayan.
“Sangkatutak yung commercial, palagay ko magandang pahabain ng konti yung debate.” Dagdag ni de Vera.
Hindi din naman aniya debate ang nangyari.
Sinabi ni de Vera na ito’y dahil dalawa lang sa 5 presidentiables ang hinayaang sumagot sa isang tanong kaya’t hindi napakinggan ang posisyon ng bawat kandidato sa ilang isyu.
Giit ni de Vera, hindi ito katulad ng mga debate sa Estados Unidos na talagang nagdidiskusyon ang mga kandidato.
“Nagtatantiyahan sila dahil alam mo sa Pilipinas ang Asian culture, hindi masyadong gusto na iniinsulto mo ang iyong mga kalaban, sa Amerika talagang deretsahan na nag-iinsultuhan ang mga kandidato, dito mukhang pigil ang mga kandidato na bumanat, may mga pagkakataon na talagang puwede sanang deretsuhin nila ang isa’t isa.” Pahayag ni de Vera.
Panel
Dapat ay magkaroon ng sectoral representation sa panel na uupo sa susunod na presidential debate sa Cebu.
Ayon kay Political Analyst Professor Prospero de Vera, ito ay para makuha ang posisyon ng mga presidentiable sa iba’t ibang isyu at sektor ng lipunan.
Aniya, maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagkuha ng tanong bago pa man ang debate.
“Ang gagawin yata lahat ng panel ay galing ng media, medyo para sa akin nakakabahala yan, kasi baka maging Miss Universe question na naman ang mga tanungin.” Dagdag ni de Vera.
Grace Poe
Matagumpay subalit bitin at kulang sa oras ang makasaysayan at kauna-unahang presidential debate matapos ang halos dalawang dekada.
Ito ang opinyon ng kilalang political analyst na si Professor Ramon Casiple.
Ayon kay Casiple, walang masyadong dating ang naging debate dahil kulang sa oras. Hindi umano masyadong na-elaborate ang mga paksa na dapat talakayin sa debate.
“Wala masyadong dating kasi ang kokonti ng oras, ang problema ng ganung klaseng format, 1 ½ minute ang binibigay, hindi ka kayang mag-elaborate ng mga gusto mong sabihin, ang nangyari parang puro sound bite nang sound bite, pag ganyan kasi ang tawag diyan motherhood statement sayang ang naging diskusyon kasi hindi ganun kalalim ang palitan ng kanilang idea at criticism.” Ani Casiple.
Sinamantala rin aniya ang nasabing debate para magpasok ng maraming commercial advertisement ang network.
Subalit para kay Casiple, si Senadora Grace Poe ang lumamang sa Pilipinas Debates 2016.
“Ang pinaka-sober doon ay si Grace Poe sa akin siya ang lumitaw na pinaka-presidential doon, which is a surprise at considering na baguhan siya, mukhang prepared siya ng argument niya.” Pahayag ni Casiple.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita