Tuluy-tuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal at pantalan sa mga lalawigan para sa Undas.
Sa Batangas Port, mahigit 8,000 pasahero ang dumating nitong weekend sa mga sasakay ng barko patungo sa mga lalawigan.
Hindi naman nakaalis ang ilan sa mga pasahero dahil fully booked na ang maraming bangka.
Ipinabatid ng Philippine Coast Guard o PCG na inaasahan nila ang pagdoble pa ng mga pasahero simula ngayong araw na ito.
Samantala, sa Ormoc City, mabilis na napupuno ng mga pasahero ang mga motor banca patungong Camotes Island.
Hindi naman pinapayagan ang mga motor banca na umalis ng pantalan kapag overloaded ang mga ito.
Sa provincial bus terminal naman sa Tagbilaran City sa Bohol, maaga namang nagdadatingan ang mga paahero para matiyak na makakakuha ng ticket bagamat tiniyak ng management ang sapat na bus.
Sa Laoag City sa Ilocos Norte, hindi pa naman dumadagsa ang mga pasahero sa mga bus terminal bagamat fully booked na rin ang ilan sa mga ito.
Malaking bulto ng mga pasahero ay patungong Isabela, Cagayan, Apayao at La Union.
Nagpaalala naman ang Araneta Bus Terminal sa mga pasahero nito na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit.
Ito’y matapos makuhanan ng ilang matutulis at ipinagbabawal na bagay ang mga pasahero sa Araneta Bus Terminal.
Ilan sa mga nakumpiska ay kutsilyo, gunting, martilyo, lighter at isang malaking bote ng alak.
Payo ng Araneta Bus Terminal sa mga pasahero sumunod sa mga alituntunin upang hindi maantala ang biyahe.
—-