Susuriin ng mga eksperto ng UNICEF o United Nations Children’s Fund ang mga bakuna ng Pfizer na nauna nang ipinadala ng National Government sa Muntinlupa City.
Ito’y matapos makitaan ng pagbabago sa temperatura sa imbakan ng mga bakuna sa festival mall vaccination site kung saan posible itong makaapekto sa kalidad ng bakuna.
Sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, makikipag-ugnayan sila sa UNICEF hinggil sa isasagawang pagsusuri upang malaman kung maaari pang gamitin ang naturang bakuna.
Una nang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pagbabakuna ng 2nd dose ng Pfizer matapos na magkaproblema ang storage facility.