Isang hindi nakikilalang bagay ang nakita ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) ng Philippine Navy sa Pag-asa Island noong linggo.
Ayon kay Major Cherryl Tindog, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines – Western Command (AFP – WesCom), kahawig ng naturang bagay ang metal debris na una nang natagpuan sa Busuanga, Palawan.
Ngunit pahayag ni WesCom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, na hindi ito nakuha ng NSEL.
Hawak na dapat ng naturang grupo ang unidentified object gamit ang kanilang rubber boat na humihila dito.
Pero agad pinutol ng Chinese Coast Guard Vessel na may bow number 5203 ang towing line na hinihila ng grupo ng Philippine Navy dahilan para makuha nila ito.
Sinabi naman ni Tindog na hindi nagdulot ng gulo at walang nasugatan sa mga tauhan ng NSEL, na isang oras nakasalamuha ang mga Chinese.
Sa ngayon, naipaabot na sa National Task Force on the West Philippine Sea ang nangyari para sa agarang aksyon.