Niresbakan ni United Filipinos for Hongkong (UNIFIL-MIGRANTE) Secretary-General Eman Villanueva si ACTS-OFW party-list Rep. Aniceto “John” Bertiz III kaugnay sa kondisyon ng mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat.
Nilinaw ni Villanueva sa isang Facebook post na pawang kasinungalingan ang mga pahayag ni Bertiz noong Enero 2017.
Sa katunayan ainya ang UNIFIL-MIGRANTE Hong Kong ang humingi ng dayalogo sa pagitan ng mga OFW sa Hong Kong at ang tanggapan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.
“Unfortunately, hindi po nakarating noon si Secretary Bello at ang ipinadala po niya ay si Usec. Joel Maglunsod. Hindi po namin invited si Congressman John Bertiz sa dialogue na yon. Ganoon pa man nag offer po si Labor Attaché na si Jalilo Dela Torre na gamitin ang kanyang opisina para sa dialogue na ito. Ang aming pong pakay dalawang bagay, una ang panawagan po ng mga OFWs na ibasura na o tanggalin na ang overseas employment certificate (OEC). Pangalawa po ay pakay din namin sa dayalogong iyon yung pag-aalis nuong terminal fee at papaanong tuluyan maibabalik yung mga perang nakuha mula sa mga OFWs.” Pahayag ni Villanueva.
Itinanggi rin Villanueva na naglunsad sila ng kilos protesta sa labas ng konsulada sa Hong Kong.
“Dahil ayaw naman namin po siya ipahiya kahit hindi siya invited, eh hinayaan na po namin siya manatili doon. So hindi po totoo na kami ay nag-rarally sa labas dahil nuong araw pong iyon ang protesta po ay naganap ng umaga, ang dayalogo po ay naganap ng late afternoon. Pangalawa hindi rin po umuulan na para bang awang awa siya sa amin kaya niya po kami pinapasok. Ang katunayan po mahigit po kami dalawampu katao mula sa iba’t ibang grupo at ang UNIFIL MIGRANTE Hong Kong pa nga po ang nag-imbita sa mga organizations na magpadala ng kanilang representante. Kabilang po ang mga grupo ng Duterte Hongkong sa amin inimbita meron din po kaming kasama taga media.” Dagdag ni Villanueva.
Samantala, hinimok naman ng migrante official si Bertiz na magbitiw na sa pwesto matapos ang paglabag nito sa security protocol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pang-ha-harras sa isang airport personnel.
“Dahil kagaya nga ng nangyari recently kaya niyang gumawa ng kuwento at malaking kasinungalingan sa nangyaring insidente sa NAIA. Kaya’t marahil ay ganoon din ang pinagmulan bakit kaya niyang sabihin na isang OFW gayun siya naman ay representante ng mga recruitment agency. Kaya tama na po Mr. Bertiz ang kasinungalingan ang pinaka mainam niyo pong gawin ay aminin ang inyong pagkakamali at siyempre po kasabay niyan umalis na po kayo sa Kongreso para isalba ang inyong sarili at huwag niyo na po kaming gamitin mga OFWs para sa inyong pang politikal na ambisyon.” Ani Villanueva.