Tinapos na ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang idineklara nitong unilateral ceasefire noong August 2016.
Sinabi ng pamunuan ng NDF na ang notice of termination ay ibibigay ng kanilang negotiating panel sa peace panel ng gobyerno ng Pilipinas.
August 28 nang ideklara ng central committee ng CPP at National Operations Command ng NPA ang nasabing unilateral ceasefire.
Kaugnay nito, walang epekto sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbawi ng CPP-NPA sa kanilang unilateral ceasefire.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kahit naman umiiral ang ceasefire noon ng NPA hindi naman tumigil ang mga rebelde sa kanilang pangongotong sa mga residente, panununog ng mga sasakyan at pananambang at pagdukot sa mga sundalo.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na hindi nila babawiin ang unilateral ceasefire ng militar hanggat wala pang utos ng Pangulo.
Ibig sabihin nito hindi magkukusa ang militar na magkasa ng operasyon laban sa NPA.
Pero reresponde aniya ang mga sundalo oras na i-harass ng mga rebelde ang mga residente.
By Judith Larino | With report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Photo from the CPP website