Opisyal nang idineklara ng Department of National Defense o DND ang ipatutupad na unilateral ceasefire ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA.
Sa anunsyo ni DND Spokesman Arsenio Andolong, epektibo ang unilateral ceasefire mula alas-6:00 ng gabi ng December 23 hanggang alas-6:00 ng gabi ng December 26.
Gayundin mula alas-6:00 ng gabi ng December 30 hanggang alas-6:00 ng gabi ng January 2 ng susunod na taon.
Sinabi pa ni Andolong, bagama’t may ceasefire inaatasan pa rin ang lahat ng mga sundalo na manatiling mapagbantay at tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Kasabay nito, hinimok din ng DND ang CPP-NPA na magmuni-muni at pag-isipan ang pagbabalik loob sa pamahalaan habang pinaiiral ang unilateral ceasefire.
(Ulat ni Jonathan Andal)