Kasado na ang inaasahang pinakamalaking proclamation rally nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. At ka-tandem na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte na idadaos sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan ngayong Martes.
Inaasahang dadaluhan ito ng mahigit 25,000 taga-suporta ng BBM-SARA Uniteam. Aabot sa 55,000 ang kapasidad ng nasabing arena pero dahil sa pandemya ay kalahati lamang ang papayagang makapasok sa lugar kasunod na rin ng ipinatutupad na health protocols.
Mag-uumpisa ang proclamation rally ng BBM-SARA Uniteam dakong alas-kwatro ng hapon at matatapos naman ng alas-siyete ng gabi kung saan inaasahang sesentro ito sa proklamasyon nina Marcos at Duterte.
Inaasahan din ang pormal na proklamasyon sa senatorial slate ng Uniteam na kinabibilangan nina senators Sherwin Gatchalian at Juan Miguel Zubiri; at dating Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Kasama rin sina dating Public Works and Highways Secretary Mark Villar; dating tagapagsalita ng malakanyang na si Harry Roque; Rep. Loren Legarda; dating senador Jinggoy Estrada, Rep. Rodante Marcoleta, dating Quezon City Mayor Herbert Bautista; abogadong si Larry Gadon; at dating senador at Information and Communications Technology Secretary Gregorio “Gringo” Honasan II.
Mula pa noong sabado ay abala na ang mga supporters at volunteers sa pag-aayos ng lugar upang matiyak na magiging maayos ang naturang okasyon.
Ayon sa mga event organizer ng Uniteam, tanging mga fully vaccinated individuals ang papayagang makapasok.
Sinabi ng ilang political analyst na ang tambalang Marcos-Duterte ang team to beat sa May 2022 base na rin sa ipinakikitang suporta ng publiko at mga resulta ng mga respetadong survey company kung saan patuloy na namamayagpag ang BBM-SARA Uniteam.