Patuloy na dumarami ang mga organisasyong nagpapahayag ng suporta para sa kandidatura nina presidential front runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ang running-mate niya na si Inday Sara Duterte.
Sa pagkakataong ito ay ang grupong United Beki of the Philippines Inc. (UBPI), Filipinos for Peace, Justice, Progress Movement (FPJPM), People’s Patriotic Movement (PPM) at Alyansang Duterte-Marcos (ALDUB) ang nagdeklara ng kanilang solidong suporta para sa BBM-Sara UniTeam.
Nitong nakalipas na Lunes, humarap kay Atty. Vic Rodriguez, spokesman at chief of staff ni Marcos sina June Noya, presidente ng UBPI; San Juan, La Union Councilor Nikkie Valero Velilla, ng ALDUB La Union; Egay Maranan ng PPM; at Joseph Cadsawan ng FPJPM upang personal naipaabot ang kanilang suporta kay BBM.
“Sa lahat ng kandidato sa pagkapangulo ngayon, kina BBM-Sara lamang namin nakita ang may maayos at direktang programa para sa miyembro ng lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) community,” ani Noya.
Ang SEC registered na UBPI ay isa sa pinakamalaking samahan ng mga gay sa bansa.
Mahigit 300,000 na ang kasapi nito, ngunit na sisiguro ni Noya na may 100,000 na ang registered voters sa kanilang miyembro.
Ipinarating ni Noya kay Rodriguez na sana mas lalo pang pag-ibayuhin ng darating na Marcos-Duterte administration ang karapatan ng mga nasa hanay ng ‘third sex,’ partikular na ang pagtugon sa mga reklamo ng ‘diskriminasyon,’ programang pang-kabuhayan, kaalaman, training skills, kalusugan, same sex union at higit sa lahat ang pagkakaroon ng ‘shelter’ o ‘home for the gays’ para sa mga tumatandang bading sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Para kay Maranan, may 126 organisasyon ang naka-alyansa sa kanilang samahan at kasado na ang lahat ng aktibidades ng UniTeam na kanilang sasamahan at susuportahan.
Sinabi naman ni Velilla na taong 2016 nang isulong nila ang AlDuB o Alyansang Duterte-Bongbong. “Pero ngayon, buhay uli kami sa La Union para naman sa Marcos-Duterte,” ani Velilla na nagsabing ang AlDuB ay may 82 probinsiyang kinapapalooban. Karamihan sa mga ito ay mga miyembro na ng PDP Laban ngayon.
“Buhay na buhay kami at andun pa rin ang spirit,” sabi pa ng konsehal.
Sinabi naman ni Cadsawan na mula sa kanyang ama na nagsulong ng Fernando Poe Jr. for President Movement (FPJPM), itinuloy ito para naman sa Filipinos for Peace, Justice, Progress Movement na may command votes na halos dalawang milyong Pilipino.
Ang suporta nila sa UniTeam ay aprubado ng board resolution na dahilan upang biguin nila ang panawagan ng isang mambabatas para naman suportahan ang kandidtura ni Isko Moreno.
“BBM kami solid at wala nang makakapagbago rito,” sabi pa ni Cadsawan.