Ibinabala ng grupo ng mga broilers o magma-manok ang posibleng shortage sa manok sa susunod na mga buwan kasunod ng bird flu outbreak sa Pampanga.
Ayon kay United Broilers Association Atty. Bong Inciong, kung bababa ang produksyon ng manok at itlog sa susunod na mga linggo ay makakaapekto ito sa magiging suplay sa darating na ‘ber’ months.
Tinukoy naman ni Atty. Irwin Ambal ng Pangulo ng Philippine Egg Board na sisipa ang presyo ng manok at itlog partikular sa Visayas at Mindanao dahil sa umiiral movement ban ng mga poultry supply mula sa Luzon.
Kaugnay nito, nanawagan si Agriculture Secretary Manny Piñol sa mga poultry raiser sa visayas at mindanao na palakasin ang kanilang produksyon.
Samantala, umaapela ngayon sa publiko ang United Broilers Raisers Association (UBRA) na huwag katakutan ang pagkain ng manok sa kabila ng avian influenza outbreak sa San Luis, Pampanga.
Sa isang press conference, inihayag ni UBRA President Bong Inciong na umaaray na ang mga poultry growers sa Central Luzon epekto ng naturang krisis.
Paglalarawan pa nito na sa Pampanga, bumagsak ang benta ng hanggang 80% habang nasa 75% naman ang pagkalugi sa Tarlac at maliban dito nadamay na rin umano ang bentahan sa Southern Luzon.
Ayon pa kay Inciong, dahil sa mababang demand, bumagsak ng hanggang P58 pesos kada kilo ang farm-gate price ng mga broilers.
Kaya naman pakiusap ng grupo sa consumers huwag maging ‘paranoid’ dahil ayon sa mga eksperto ligtas pa ring kumain ng manok at hindi naman lahat ng ito ay nanggagaling sa san luis na pinagmulan ng kauna-unahang kaso ng bird flu sa Pilipinas.
Kasabay nito, nanawagan rin ang broilers association sa agriculture department na alisin na sa lalong madaling panahon ang shipment ban sa buong bansa ng mga poultry products sa dahilang lalo pang mababaon sa pagkalugi ang kanilang hanay.
By Meann Tanbio / Rianne Briones