Bawal munang lumipad ang mga helicopters ng Malate Tourist Development Corporation kasunod ng pagbagsak ng isa sa mga aircraft nito sa Batangas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente na ikinasawi ni Archie King na may-ari ng Victoria Court at gayundin ng piloto nitong si Capt. Felisisimo Taborlupa.
Ayon kay Apolonio, nagtungo na sa bahagi ng Mt. Maculot sa bayan ng Cuenca ang kanilang imbestigador at hinihintay na lamang nila ang report mula rito.
Isa din sa tinitignang dahilan ng pagbagsak ng chopper ay ang masamang panahon.
Patay sa helicopter crash
Dalawa ang patay habang 6 ang sugatan sa pagbagsak ng isang private helicopter sa bahagi ng Cuenca, Batangas City bago mag-tanghali kahapon.
Batay sa inisyal na ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, sangkot sa insidente ang Augusta 109-E type helicopter na may registry number RP-C2726 na ino-operate ng Malate Tourist Development Corporation.
Kinilala naman ng Batangas-PNP ang nasawi na si Archimedes o Archie King na may-ari ng motel chain na Victoria Court at ang piloto nito na si Capt. Felisisimo Tabor Lupa.
Kasalukuyan pang inaalam ng CAAP ang sanhi ng pagbagsak ng nasabing helicopter.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Jaymark Dagala