Hinimok nina presidential aspirant Bongbong Marcos at vice-presidential candidate Inday Sara Duterte ang kanilang mga tagasuporta na ipagpaliban muna ang nakatakda nilang unity caravan sa Caloocan City, Enero 2.
Ginawa ng BBM-Sara UniTeam ang panawagan dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa na pinaniniwalaang dulot ng omicron variant.
Matatandaang nagpasya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ilagay sa Alert Level 3 ang buong Metro Manila simula Enero 3 hanggang 15 kasunod ng pagsirit ng COVID cases sa bansa.
Sinabi nina Marcos at Duterte na prayoridad ng kanilang partido ang seguridad ng publiko kaya’t pinaiiwas nila ang mga ito sa mass gatherings.
Kasabay nito, nanawagan din ang BBM-Sara UniTeam sa lahat na maging alerto at mag-ingat dahil sa banta ng bagong variant.