Nanganganib na mabinbin ang pagpapatupad ng universal health care law sakaling mabigo ang Kongreso na ipasa ang dagdag na excise tax sa sigarilyo bago magsara ang 17th Congress.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, isang health advocate, aabot sa animnaput tatlong bilyong piso pa ang kailangan para maipatupad ng maayos ang universal health care law.
Sa halip aniya na makumpleto ang paglalatag sa batas sa susunod na 10 taon posibleng mamili na lamang ang Department of Health (DOH) ng mga lugar kung saan una itong ipatutupad.
“Madedelay po according to Sec. Duque hindi niya magagawa ‘yun ang mangyayari mamimili muna siya ng areas na mangangailangan ng kalinga yung tintawag na geographically disadvantage areas. Hindi katulad kasi kung may pondo ka jump start na lang tayo.” Pahayag ni Dr. Leachon.
Hinikayat ni Leachon ang Senado na mag overtime kung kinakailangan upang matiyak ang pagpasa ng panukala.
Sinabi ni Leachon na ang boto ng bawat mambabatas sa dagdag na excise tax ay maituturing na test of character at pagiging makabayan.
Sa ilalim ng mga panukala, P45 hanggang P60 sa kada pakete ng sigarilyo ang hinihinging dagdag na excise tax sa sigarilyo.
“Dapat siguro isipin ng taongbayan hindi lang ito about money for universal health care, kung hindi pagtaas po nito may kaakibat din ng mga number of smokers na mababawasan. Like for example, Sen. JV, 1.4 million na mababawas sa smokers; Sen. Sherwin, 1.3 million; Sen. Manny Pacquiao, 800,000 smokers po. Ibig sabihin dalawang objective tinitira natin dito. Una, pera para sa universal health care law. Pangalawa, mabawasan yung mga magkasakit dahil sa sigarilyo.” Ani Dr. Leachon.