Nagkaisa ang mga alkalde sa Metro Manila na huwag munang palabasin ng bahay ang lahat ng hindi pa bakunado laban sa COVID-19, habang nasa ilalim ng alert level 3 ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, papayagan lamang lumabas ang mga hindi pa bakunadong residente kung bibili ng essential goods at serbisyo.
Mananatili sa ilalim ng alert level 3 ang NCR hanggang January 15 dahil sa biglang pagsipa ng COVID-19 cases bukod pa sa banta ng mas nakahahawang Omicron variant.
Sa kabila nito, maari namang ipagpatuloy ang individual outdoor activities at exercise sa labas ng bahay.
Dagdag pa ni Abalos, pwedeng magpatupad ng restriksiyon ang mga local government units basta’t hindi ito mas strikto sa mas mataas na alert level systems.—sa panulat ni Mara Valle