Nagpulong ang pamunuan ng University of the Philippines (UP) at ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y para talakayin ang nilagdaan nilang UP-DILG accord nuong 1992 na kahalintulad sa naibasura nang kasunduan ng unibersidad sa Department of National Defense (DND).
Ayon kay UP President Danilo Concepcion, isinagawa ang pulong sa Kampo Crame isang araw matapos naman nilang makausap sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Chairman Prospero De Vera ng Commission on Higher Education (CHED).
Nabatid sa nasabing pagpupulong na nagkasundo ang UP at DILG na bumuo ng isang technical working group para plantsahin ang mga gusot sa naturang kasunduan sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa ilang probisyon nito.
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pulong sina DILG officer – in – charge Usec. Bernardo Florece, Usec. Jonathan Malaya, UP Vice Pres. for Public Affairs Elena Pernia, UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.
Gayundin sina Assistant Secretary for Peace and Order Manuel Felix, PNP chief of the directorial staff P/LtGen. Joselito Vera Cruz at Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Danilo Macerin.