Nanatiling nakatindig ang Unibersidad ng Pilipinas sa gitna ng mga batikos at isyung pinupukol dito ng administrasyon.
Ayon kay UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo patuloy nitong ipagtatanggol ang kalayaan sa akademiko at kritikal na pag-iisip ng unibersidad at ilang beses na umanong napatunayan ng pamantasan na kaya itong ipagsabay.
Dagdag pa ni Nemenzo, kinalimutan ng mga kritiko ang ambag ng unibersidad na siyang humulma sa mga nurse, scientist, artists, doktor, abogado, diplomats, civil servants at pinagtuunan ang akusasyong humuhubog umano ito ng mga komunista.
Giit pa nito, ang red tagging ay isa umanong mapanganib , nakapananakot at nakapag-uudyok ng karahasan.
Paglilinaw pa ng chancellor, ang academic freedom ay mahalaga sa tunay na layunin ng pamantasan na magbigay ng kaalaman, magmulat sa mga tunay na nangyayari sa lipunan at ang maging tinig sa pagbabago.
Sa kabila ng mga isyung binabato sa pamantasan at pandemyang kinahaharap ng mundo, nanindigan si Nemenzo na di titigil ang klase sa pamantasan sapagkat higit na umanong mahalaga ang edukasyon lalo na sa mga panahong ito.—sa panulat ni Agustina Nolasco