Mariing itinanggi ng University of the Philippines ang akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nanghihikayat sila ng mga kabataan para umanib sa komunistang grupo.
Ayon kay UP Vice President for Public Affairs Elena Pernia, isang educational institution ang Pambansang Unibersidad kung saan nagtuturo, nagsasaliksik, nagbibigay-serbisyo sila at hindi nagrerecruit.
Paglilinaw ni Pernia, bagama’t may history ang UP bilang mga aktibista, hindi ito nangangahulugan na ‘anti’ o kontra sila sa gobyerno.
Aniya, isang silang komunidad ng mga iskolar na nakatuon sa paghahanap ng paraan upang umunlad ang bansa at patuloy na pagsisilbi sa pamahalaan.
Binigyang diin pa ni Pernia, walang kinikilingan ang UP dahil kung may recruitment aniya sa loob ng campus para maging komunista, meron din aniyang para sa militar.