Isa ang Philippine General Hospital sa mga makatatanggap ng suplay ng anti-COVID-19 vaccine na likha ng Chinese firm na Sinovac na inaasahang darating sa bansa sa linggo, ika-28 ng Pebrero.
Ito ang kinumpirma ni UP-PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, bilang bahagi sila ng COVID-19 vaccination rollout ng pamahalaan.
Gayunman, sinabi ni Del Rosario na hindi nila ito irerekomendang ipagamit sa mga medical personnels ng pgh na direktang humaharap sa mga COVID-19 patients at nagtatrabaho sa mga COVID-19 wards.
Sa halip ay posibleng ialok aniya ang bakuna ng Sinovac sa support staff ng PGH tulad ng administrative personnel, security at janitorial services, at maging sa mga doktor at nurses na hindi naka-deploy sa COVID-19 operations.
Paliwanag ni Del Rosario, ang pasiya ay alinsunod sa rekomendasyon ng Food and Drug Administration (FDA) at resulta ng isinigawa nilang registration at screening kung saan ibang bakuna ang inaasahan ng mga kawani ng PGH.
Ang unang dapat malaman ay ito’y voluntary, so, wala itong pilitan hindi namin ito i-impose sa ating mga tao and in fact, we already decided among ourselves that we will follow the recommendation of the FDA, na hindi na muna nila nire-recommend sa mga health care workers na talagang nasa COVID ward (ang Sinovac vaccine), talagang araw-araw ang ina-attendan na pasyente na may COVID. I think we needed a vaccine which has a higher efficacy sa ganitong sitwasyon,” ani Del Rosario.