Naghahanda na ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa full operation nito bilang isa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) referral centers na itinalaga ng Department of Health sa Metro Manila.
Ipinabatid ni UP-PGH spokesman Dr. Jonas Del Rosario na 130 hospital beds ang inilaan nila para sa COVID-19 patients.
Sinabi pa ni Del Rosario na handa na rin ang kanilang mga duktor at medical staff para umagapay sa mga pasyenteng apektado ng COVID-19.
Subalit ipinabatid ni Del Rosario na bagamat sapat ang kanilang medical supplies, kinakailangan pa rin nila ng dagdag na personal protective equipments (PPEs) lalo na at 30 hanggang 40 pasyente kada araw ang inaasahang matutulungan nila.
Sa ngayon ay binuksan na ng UP-PGH ang kanilang online portal at hotline na COVID Bayanihan Action Center.