Itinuturing nang dead on arrival ng isang mambabatas ang kontrobersyal na House Bill 10171 o ang UP Security Bill na nagbabawal sa mga Sundalo at Pulis na pumasok sa University of the Philippines.
Ito’y ayon kay Senior Deputy Majority Leader ng House Committee on Rules at Cavite 7th District Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla sa lingguhang virtual press conference ng National Task Force to End Local Terrorist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Ayon kay Remulla, hindi na uusad ang hakbang matapos ang nagkakaisang pagsang-ayon ng plenaryo sa inihain niyang motion for reconsideration hinggil sa naturang panukala noong Setyembre 30.
Paliwanag ng mambabatas, dahil dito aniya’y babalik sa komite ang naturang panukala at duon sila magpapasya kung may pag-asa pa itong mabuhay muli para talakayin
Pagbubunyag pa ni Remulla, isiningit ng Makabayan Bloc sa kamara ang nasabing panukala sa panahong abala sa budgetary process ang lahat ng mambabatas sa kani-kanilang distrito kaya’t muntik na itong nakalusot.
Subalit napigilan ito ani Remulla sabay giit na kalokohan lamang ang panukala dahil nilalabag nito ang “equal protection clause” ng batas at pumapabor lamang ito sa mga maka-kaliwang mambabatas.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)