Pinapaspasan na ng DOTr o Department of Transportation ang pag-a-upgrade sa walong airports sa bansa para hindi made-congest ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Batay sa ulat ng DOTr sa mababang kapulungan, kabilang sa mga paliparan na sumasailalim sa rehabilitasyon at expansion ay ang Naga City, Tuguegarao, Cauayan, Dumagute, Cotabato, Dipolog, Pagadian at Ozamiz.
Ayon kay Makati City Representative Luis Campos Jr., isa sa dahilan ng congestion sa NAIA ay ang kawalan ng kakayahan ng mga provincial airports na tumanggap ng flights tuwing gabi at sa kasalukyan ay siyam (9) lamang sa apatnaput dalawang (42) paliparan sa bansa ang may night flights.
Dahil dito, kabilang sa nasabing pag-a-upgrade sa mga naturang paliparan ang pagpapalapad sa runway at pagsasaayos ng facilities ng terminal para sa mga byahe sa gabi.
Naglaan umano ng 10.1 billion pesos ang pamahalaan para sa proyekto sa imprastraktura ng apatnapung (40) paliparan sa 2018 at inilaan naman ang pinakamalaking pondo sa Clark International Airport na may 2.74 billion pesos.