Sinimulan na ng pamahalaan ang pag-a-upgrade sa military facilities sa Thitu Island o mas kilalang Pag-asa Island, ang pinakamalaking isla na inookupa ng Pilipinas na bahagi ng Spratlys sa South China Sea.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng pagtitiyak sa matibay na pag-angkin ng Pilipinas sa nasabing teritoryo.
Ayon kay Lorenzana, nagpapatuloy na ang konstruksyon ng beach ramp sa Pag-asa Island at inaasahang matatapos sa unang bahagi ng 2018 depende kung magiging maganda ang panahon.
Giit ni Lorenzana na mahalaga ang paglalagay ng rampa para sa pagdaong nga malalaking barko ng bansa na magdadala ng mga construction materials para naman sa pagsasaayos at pagpapaganda ng paliparan at fish port sa isla.
Binigyang diin pa ni Lorenzana na walang masama sa mga isinasagawang upgrading ng pamahalaan sa Pag-asa island dahil ginagawa rin aniya ito ng ibang bansa tulad ng China na umaangkin din sa Spratlys.
Matatandaang batay sa mga bagong satellite image, namataan ang grupo ng mga barko ng China sa paligid ng Pag-asa island na sinasabing pagtatangka nito na pigilan ang konstruksyon ng Pilipinas sa nasabing isla.
—-