Naniniwala si Aklan 2nd district Rep. Teodorico Haresco Jr. na posibleng matupad ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ‘upper middle-income status’ sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang probisyong pang-ekonomiya sa 1987 Constitution.
Ayon sa mambabatas, itutulak ng economic Charter change (Cha-cha) ang paglago ng ekonomiya at pagkakaroon ng upper middle-income status ng bansa pagsapit ng 2025.
Paliwanag ni Rep. Haresco, susi ang pag-amyenda sa restrictive economic provisions, partikular na sa foreign ownership, sa pag-maximize ng potensyal ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa nito, kailangang palawakin ang kapital, teknolohiya, at oportunidad sa pagnenegosyo sa bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho at makasabay ang Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon.