(11 AM Update)
Humina ang bagyong Urduja matapos na makatawid sa Palawan at ngayon ay kumikilos na papunta sa bahagi ng West Philippine Sea.
Huling namataan ang bagyo sa layong 90 kilometro Hilaga Hilagang-Kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 18 kilometro kada oras.
Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Palawan.
Ayon sa PAGASA, patuloy na uulanin ang Palawan habang makakaranas naman ng kalat-kalat na rainshowers at thunderstorms ang CALABARZON, Bicol region, Aurora, Mindoro Marinduque at Romblon dahil sa tail end of a cold front.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar laban sa posibleng landslides at flashfloods at hindi pinapayagan ang paglalayag sa seaboards ng Palawan.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo bukas ng umaga o hapon.
Samantala, binabantayan naman ng PAGASA ang isa pang sama ng panahon sa labas ng PAR na huling namataan sa layong 1,500 kilometro Silangan ng Mindanao.
—-