(11 AM Update)
Napanatili ng tropical depression ‘Urduja’ ang lakas nito habang patuloy na kumikilos sa direksyong pa-hilaga-hilagang kanluran.
Inaasahang sa loob ng 36 oras ay posibleng lumakas pa ang bagyo at maging isang tropical storm.
Huling namataan ang bagyo sa layong 405 kilometro Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.
Gumagalaw ang bagyo sa bilis na 7 kilometro kada oras.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan sa loob ng 350 kilometro diametro ng bagyo.
Nagbabala ang PAGASA sa malawakang pag-ulan na dala ng bagyo sa bahagi ng Visayas at Bicol region sa loob ng 24 oras.
Pinag-iingat ang mga manlalayag sa mga nasabing lugar at pina-iiwas munang pumalaot sa eastern seaboard ng Bicol region, Eastern Visayas at Caraga.
Sa ngayon ay wala pang nakataas na tropical cyclone warning signal sa bansa.
—-