(As of 2:00 PM)
Nananatiling Quasi – Stationary ang bagyong ‘Urduja’ habang mas marami pang ulan ang inaasahang bubuhos sa Eastern Visayas.
Ang sentro ng bagyong Urduja ay natukoy sa layong dalawandaan at tatlumpung (230) kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay ng bagyong Urduja ang pinakamalakas na hanging umaabot sa pitumpu’t limang (75) kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa siyamnapung (90) kilometro kada oras.
Ang bagyong Urduja ay tinatayang kikilos pa hilagang kanluran sa bilis na limang kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Urduja ay inaasahang magla-landfall sa Northern Samar – Eastern Samar area bukas ng umaga o hapon.
Ang Public Storm Signal #2 ay nakataas sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Biliran.
Nasa ilalim naman ng Public Storm Signal #1 ang Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Romblon at Masbate kabilang ang Burias at Ticao Islands, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu, Capiz, Aklan at Northern Iloilo, Dinagat Islands.
Samantala, patuloy na mino – monitor ng PAGASA ang low pressure area sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may posibilidad na maging bagyo.