(As of 5:00 PM)
Patuloy na nagbabantang mag – landfall ang tropical storm ‘Urduja’ sa probinsya ng Samar.
Ayon sa huling tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 85 kilometro ng East Southeast ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 90 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong papuntang Kanluran sa bilis na 7 kilometro kada oras.
Inaasahang tatama sa lupa ang bagyong Urduja sa bahagi ng Eastern Samar bukas ng umaga.
Nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal #1 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Romblon, Northern Samar, Leyte at Southern Leyte, Northern Cebu kabilang ang Bantayan Island, Capiz, Aklan, at Northern Iloilo.
Habang nasa ilalim naman ng Signal #2 ang Eastern Samar, Samar at Biliran.
Sinabi ng PAGASA na asahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag – ulan sa loob ng 400 kilometro diametro ng bagyo.
Malawakan din ang posibleng mga pag – ulan sa bahagi ng Visayas, Bicol, Caraga at Northern Mindanao sa loob ng 24 oras.
Pinag – iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng flashfloods at landslides.