Balik Malakaniyang si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon matapos ang halos isang linggong paglalagi nito sa Davao City at ilan pang bahagi ng Mindanao.
Kabilang sa mga naging official schedule kahapon ng Pangulo ay ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Isabela City sa Basilan gayundin ang pulong sa pagitan nila ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim.
Bagama’t walang inilahad na detalye ang Palasyo, sinabi naman ni Ambassador Kim sa kaniyang tweet na maganda ang naging resulta ng kanilang pag-uusap ng Pangulo.
Kabilang sa mga tinalakay ang counter terrorism effort ng Amerika gayundin ang pagtitiyak ng patuloy nitong pagsuporta sa pamahalaan hinggil sa bakbakan sa Marawi City.
Pagkatapos nito, pinulong din ng Pangulo ang mga miyembro ng Gabinete kung saan, sumentro iyon sa rehabilitasyon ng Marawi City gayundin ang ikinakasang 2018 budget proposal.
By Jaymark Dagala / with report from Aileen Taliping
*Malacañang Photo