Nakatakdang mag-usap ang mga hepe ng Navy ng China at Estados Unidos.
Sinasabing kabilang sa agenda ng pag-uusap ang tensyon sa South China Sea na bunga ng pagkapanalo ng Pilipinas kontra China sa Permanent Court of Arbitration.
Ngayong araw na ito nakatakdang dumating sa China si US Chief of Naval Operations John Richardon at agad na makikipagkita kay Admiral Wu Shengli na commander naman ng Chinese Navy.
Matatandaan na iginigiit ng Estados Unidos sa China na dapat nilang tanggapin at kilalanin ang desisyon ng PCA.
European Union
Samantala, personal na ipinaabot ng European Union kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay ang pagsuporta sa mapayapang hakbang ng Pilipinas sa usapin ng territorial dispute sa West philippine Sea.
Ito’y makaraang makipagpulong ang kalihim kay European Union High Representative at EU Commission vice President Federica Mogherini sa isinagawang Asia-Europe Meeting sa Ulaanbaatar sa Mongolia nitong weekend.
Kasunod nito, hinimok din ng EU ang Pilipinas at China na igalang ang international law at panatilihin ang freedom of navigation gayundin ang kalayaan sa pagpapalipad ng eroplano sa teritoryo.
Dahil dito, nagpasalamat si Yasay sa suportang ibinigay ng EU para sa pagkakamit ng kapaypaan at pag-unlad hindi lamang sa West Philippine Sea kundi maging sa Mindanao.
By Len Aguirre | Jaymark Dagala | Allan Francisco (Patrol 25)