Bawal maglunsad ng operasyong militar ang Estados Unidos sa Pilipinas nang walang pahintulot.
Ito ang nilinaw ni AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesperson Brigadier General Restituto Padilla kaugnay ng napaulat na umano’y plano na gumamit ng mga US drones para bombahin ang Maute terrorists sa Marawi.
Paliwanag ni Padilla, maaari lamang makialam sa operasyon ng AFP sa bansa ang Estados Unidos kung mayroong kasalukuyang actual invasion o pananakop sa bansa.
Dagdag pa ni Padilla na batay sa Mutual Defense Treaty, ang maaari lamang ibigay ng US sa mga sundalong Pilipino ay technical assistance at training.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang pag-uusap ang Pilipinas at Amerika kaugnay ng pagsasagawa ng US airtrikes laban sa anumang target sa bansa.
Gayunpaman, nagpasalamat ang opisyal sa lahat ng suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas sa kampanya kontra terorismo.
By Meann Tanbio