Nagpatupad ng partial shutdown ang United States Federal Government dahil sa hindi naipasa ang itinutulak na batas para sa badyet ng bansa.
Ito’y matapos harangin ng mga senador na miyembro ng Democrats ang panukalang batas ng Republicans na may kaugnayan sa immigration at national spending.
Napag-alaman na 50-49 votes lamang ang nakuha mula sa mga senador at bigong maabot ang 60 votes na kinakailangan para makalusot ang spending bill.
Sinasabing hindi nakumbinsi ng Republicans ang Democrats na bumoto pabor sa bill na nagresulta sa pagkaka-shutdown ng pamahalaan ng Amerika.
Nangangahulugan ito na mapipilitang mag-leave ang lahat ng 700,000 government employees ng US hangga’t walang naipapasang badyet.
Dahil dito, binigyang diin ni Senior Economist Beth Ann Bovino na magdudulot ito ng “direct and indirect impact” sa ekonomiya ng Estados Unidos.
Kahit magkaroon pa ng sahod ang mga kawani, iginiit ni Bovino na makakaranas ng “lost productivity” ang pamahalaan mula sa halos isang milyong government employees.
Magugunitang huling nagkaroon ng government shutdown sa US noong 2013 na tumagal ng 16 araw.
—-