Makalipas ang ilang araw na pagkalampag ni Pang. Rodrigo Duterte sa Estados Unidos upang maging patas at dagdagan nito ang ibinibigay na military aid sa Pilipinas kung nais na mapanatili ang Visiting Forces Agreement (VFA), ay tila umaayon ngayon ang lahat sa mga nais na mangyari ng punong ehekutibo para sa interes ng bansa.
Kasunod ito ng ginawang pag-anunsyo ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, na nagbigay na ang Pentagon ng listahan o inventory sa Pilipinas hinggil sa mga armas at military hardware na maari nitong maipagkaloob sa bansa para sa patuloy na modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Romualdez, halos kumpleto ang mga nasa inventory ng US government para sa lahat ng mga hinihingi ng ating pamahalaan at marami pa aniyang darating na mga military equipment, depende sa sa mga kakailanganin pa ng AFP.
Matatandaan na sa nakalipas na talumpati ni Pang. Duterte, iginiit nito na dapat na magbayad ng mas mataas na halaga ang Amerika sa paggamit nito sa Pilipinas ng ilang taon bilang kanilang base militar, dahil kung hindi, tuluyan na aniyang i-aabolish ang VFA.
Sinabi pa ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, na kung ikukumpara sa mga pinasok na military agreement ng Amerika sa ibang mga bansa, mas mababa ang assistance o ayudang natatanggap ng Pilipinas.
Pahayag pa ng kalihim, hindi makatarungan ang kasalukuyang US-Philippines agreement na malapit nang mag-expire o mapaso, dahil dapat aniyay tulad ng Pakistan, umabot din sa $16.4-B ang matanggap na ayuda ng ating Philippine troop.
Naniniwala naman si Romualdez na malaki ang posibilidad na ikasiya ni Pang. Duterte ang US package na ito na makatutulong sa pag-modernize ng Armed Forces ng bansa, at marami pa aniyang darating.