Ikinabahala ng US Government ang nangyaring girian sa pagitan ng mga pulis maynila gayundin ng mga katutubong Lumad at Moro sa harap ng US Embassy kamakalawa.
Ayon kay US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg, suportado nila ang umiiral na demokrasya sa bansa gayundin ang karapatan ng bawat isa na magpahayag ng kanilang saloobin o hinanakit.
Gayunman, nag-aalala aniya sila sa kaligtasan ng mga demonstrador, pulis gayundin ng mga inosenteng naparaan lamang sa lugar at nadamay sa gulo.
Kasunod nito, maliban sa pakikisimpatiya, umaasa rin si Goldberg na mareresolba rin sa lalong madaling panahon ang nasabing gusot gayundin ang agarang kagalingan ng mga sugatan.
Ipinauubaya na rin ni Goldberg sa pamahalaan ng Pilipinas sa anumang hakbang na gagawin nito hinggil sa nasabing insidente.
By: Jaymark Dagala / Allan Francisco