Ibinulgar ni US President Joe Biden na aabot sa mahigit 150K tropang militar ng Russia ang nanatiling nakapalibot sa Ukraine mula sa hilaga ng Belarus hanggang Silangan at Timog ng Russia.
Inaalam pa ng Estados Unidos kung totoong pinupull-out na ang ilang Russian troops matapos ang naging pahayag ng Russian Government.
Ayon kay Biden, handa ang United States sa diplomacy kaugnay sa posibilidad na pananakop ng Russia sa Ukraine.
Samantala sa naging pahayag naman ng United Global Filipino sa Ukraine, 8 lang sa mga pilipino ang nagpalista sa repatriation.
Matatandaang walang Embahada ng Pilipinas sa Ukraine kaya ang Embahada ng Pilipinas sa Poland at Honorary Consul lamang ang siyang nag-aasikaso sa paglikas o pagpapauwi sa mga Pilipino mula sa nasabing bansa.
Nilinaw naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi sapilitan ang pagpapauwi pero pinaalalahanan nila ang mga pinoy na mas mahirap ang paglikas lalo na kung nagsimula na ang gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine. —sa panulat ni Angelica Doctolero